Gusto ko ng Katahimikan!
Bagamat parang mag-iingay ako ngayon dahil sa inis, at sa mga sasabihin ako, totoo na gusto ko ng katahimikan dito sa ating bayan…
Napakaingay na ng Pilipinas!
Hindi lang ingay sa tunog, kundi sa marami pang bagay. Ang pollution at “ingay” sa buong paligid ay matindi at malala na. Kaya nga di na natin naririnig ang ating mga sarili, ang ating kapwa at ang bulong ng Sansinukuban, ng Universe. Kaya hirap tayong makinig e, di na natin marinig ang tunay at totoong “guidance” dahil napapaligiran tayo, at punung-puno ng ingay. Mula sa polusyon ng hangin, basura sa bawat sulok ng bansa, ingay ng Telebisyon, mga sasakyan, mga Advertisement na lahat na lang ng lugar makikita mo, wala nang nirespetong espasyo!
Kaya nga’t rinding-rindi na sa ingay ang ating Inang Kalikasan e…at hayan nga’t nililinis ang ingay na ating patuloy na nililikha at hinahayaang sakluban tayo.
Ang hapdi sa mata ng dumi, at dami ng ating nakikita. Ang sakit sa tenga ng tunog, sigaw, at tsismis, “musika” na naririnig natin sa araw-araw. At masama sa ilong at baga ang palagian nating nalalanghap na baho ng basura, baho ng usok ng sasakyan at usok ng sigarilyo…
Kailan ba natin ito gagawan ng paraan? Kailan ba natin paninindigan ang malinis, maganda, at maginhawang kapaligiran? Madali lang naman kung sisimulan at susubukan. Bawat basura itapon sa dapat kalagyan. Piliin ang mga dapat nating pakinggan. Tangkilikin ang mga gawaing iginagalang ang ating kalikasan at pinapanatili ang kalinisan ng ating kapaligiran. Maraming paraan, kung gugustuhin. Para saan?
Para sa kalusugan ng bawat isa sa atin. Para sa ating henerasyon, at sa susunod pang mga magmamana ng ating bayan, at daigdig. Para sa buhay. Nasa ating mga kamay kung paano tayo mabubuhay, at hanggang saan natin dadalhin ang ating buhay. Lahat ay nasa ating mga kamay. Matagal na panahon na tayong nalinlang ng kaisipang hawak ng iba ang buhay natin. Baguhin na natin ang ating isip, at gawin na natin ang tama para sa atin.
Ngayon na! ‘Wag na nating pahirapan ang kalikasan, ang ating kapwa, at ang ating mga sarili.