Pulitika ng Takot, Pulitika ng Utang na Loob
Ang nananaig na pulitika sa Pilipinas, ang Tradisyunal na Pulitika o kilala nating lahat bilang TRAPO ay nakabase sa Takot at Utang na Loob.
Ito ay kitang-kita ngayon sa insidenteng naganap sa Maguindanao. Paulit-ulit na sinasabi ang due process ngunit hindi ito ang ipinatutupad. Dapat ay kinukuwestyon na ang mga suspek pero kung anu-anong excuse ang binibitiwan ng mga alagad ng gobyernong ito. Ang kandidato ng administrasyon ay ginagamit pa ngayon ang insidente para maitaas ang kanyang popularidad at gayundin ay upang gumawa ng heroic act.
Hindi ako magtataka kung ang lahat ng ito ay bahagi ng isang mas malaking plano ng administrasyong ito, isa na namang palabas upang bilugin ang isipan ng sambayanang Pilipino.
Pulitika ng Takot
Ang mga taong may kapangyarihan, imbes na gamitin ang kapangyarihang ito upang tulungan ang mga taong hanapin ang sarili nilang lakas at tumayo sa sarili nilang mga paa, ay isinusulong ang sariling interes at sinisiguro na ang mga taong nasasakupan ay magiging dependent sa kanila at sa kanilang pamumuno. Ang kapangyarihan ay ginagamit upang pasunurin ang mga tao, at mapasailalim sa kanilang impluwensiya at kapangyarihan –sa anumang paraan. Machiavellian ang konseptong ito, na ang respeto ay makukuha sa pamamagitan ng takot.
Subalit kailanman, ang mga taong kumikilos batay sa takot ay di makakamtan ang pagbabago, sapagkat ang takot ay nanganganak lamang ng iba’t-ibang uri ng takot: guilt, worrry, doubt, anger, pride, inaction, indecision, lack of creativity. Hangga’t takot ang nananaig sa puso at isipan ng mga tao ay walang puwang ang pagmamahal, katotohanan at kaligayahan sa kani-kanilang buhay. At magpapatuloy ang vicious cycle ng oppressor vs. oppressed o ng mga mambibiktima at ng mga biktima.
Pulitika ng Utang na Loob
Ang utang na loob ay matagal nang konsepto sa kulturang Pilipino, pero ang tanong sa aking isipan –atin nga ba ito o ito ay isang konseptong naimbento ng mga taong nais tayong pagharian at pasunurin? Sapagkat ang konseptong ito ng utang na loob ay isang konseptong nakatali sa tradisyunal na kristiyanismo na dala ng mga dayuhan, yaong base sa ideya ng original sin, na nakatali pa rin sa ideya ng isang diyos na may kapangyarihan, nagpaparusa, at may power-over sa lahat ng mga tao.
Hindi ako sang-ayon sa ideya ng utang na loob, sapagkat nawawalan ng kapangyarihan ang mga tao upang panghawakan ang kani-kanilang mga buhay. Ang desisyon at kapangyarihan ay napupunta sa mga taong pinagkakautangan ng loob, at nagiging bulag na basehan ng pagkilos. Ang dalawang pangunahing kapangyarihan ng bawat tao ay ang PAGPILI at PAGLIKHA. Paano ka makakapili at makakalikha kung nakatali ang kamay mo sa kung ano ang nais ng ibang tao, ng taong pinagkakautangan mo ng loob? Kumbaga, ang ating kalooban ay ibinigay natin sa iba. Subalit ang ating kapangyarihan at tunay na yaman ay ang ating kalooban.
Kaya’t ang pulitika ng utang na loob kailanman ay di makapagpapalaya sa mga tao. Ito ay isang sistemang nagkukulong at pumipigil sa malayang pagkilos at pag-iisip ng mga tao.
Kung nais natin ng Tunay na Pagbabago, hindi na maaaring manaig at magpatuloy ang kasaluyang sistema ng pulitika — ang pulitika ng takot, pulitika ng utang na loob –ang pulitika ng POWER-OVER.